Dapat gawin na lamang monthly ang pagbibigay ng Special Risk Allowance at iba pang mga benepisyo para sa health care workers na patuloy na lumalaban sa COVID-19.
Ito ang iminungkahi ni Philippine Nurses Association President Melbert Reyes kasunod ng panukala ng Department of Health na magbigay ng singular allowance sa frontline health care workers.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Reyes na bagama’t maganda ang layuning ito ng DOH ay posibleng hindi naman ito maging sapat kumpara sa hirap ng frontliners lalo na kung maliit na halaga lamang ang ibibigay ng pamahalaan.
Sa ilalim ng COVID-19 Benefits for Health Workers Act na inihain sa Senado, layon nitong mabigyan ng Special Risk Allowance kada buwan ang health workers sa pribado at pampublikong ospital.
Pero sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na mas makabubuti kung magkakaroon na lamang ng “singular allowance” na nakadepende sa COVID-19 exposure ng bawat isang health worker.
Samantala, maglalaro sa ₱3,000 hanggang ₱9,000 ang ibibigay na allowance ayon sa DOH.