Pagbibigay ng student visa sa mga dayuhan na nais mag-aral sa bansa, ipinapalipat ng Kamara sa Department of Foreign Affairs

Ipinapalipat ng isang kongresista sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangangasiwa sa pagbibigay ng student visa sa mga dayuhan na nais mag-aral sa Pilipinas.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Surigao del Norte 2nd District Representative Ace Barbers na kinakailangan na rebisahin ang Executive Order 285 kung saan pinapahintulutan ang Bureau of Immigration (BI) na tanggapin o gawing student visa ang tourist visa.

Giit ni Barbers, hindi nila mapipigilan ang pagdami ng foreign students sa Pilipinas pero gusto nilang matiyak na lehitimo ang mga pumapasok sa bansa.


“Nakita natin parang naabuso ito apparently base sa datos ng Bureau of Immigration na kanilang ipinahayag na mukhang may isang lugar na may pagdagsa ng mga Chinese ang nakakapagtaka at nakakaalarma ang lugar na ito ay malapit sa lugar kung saan idinadaos ang EDCA at karamihan sa mga nabigyan ng tourist visa ay mga Chinese tourist.”

Kasunod nito, planong magsagawa ng Kamara ng pagdinig para mabigyang linaw ang eksaktong bilang ng mga foreign student sa bansa dahil magkakaiba aniya ang kanilang natatanggap na datos.

Nabatid na nasa 1,516 Chinese national na ang nabigyan ng student visa sa Cagayan pero 485 lang rito ang naka-enroll at 96 lang ang may onsite student visa.

Facebook Comments