Pagbibigay ng subsidiya sa mga employer para maiwasan ang job loss, ipinanukala ng DOLE

Ipinanukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay ng subsidiya sa mga employer para maiwasan ang job loss sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, sa ilalim nito, sasagutin ng gobyerno ang 25 to 50 percent ng payroll costs ng mga employer sa kondisyong hindi sila magtatanggal ng mga empleyado.

Layon aniya nito na maprotektahan at ma-preserve ang employment status ng mga manggagawa.


Una nang kinumpirma ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo na 2,068 na kumpanya ang nagsara dahil sa COVID-19 kung saan mahigit 69,000 Pilipino ang nawalan ng trabaho.

Samantala, mahigit 3,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia na nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa pandemya ang nagpahayag ng kagustuhang makauwi sa Pilipinas.

Ayon kay Philippine Ambassador Adnan Alonto, agad nilang ipo-proseso ang repatriation ng mga OFW, oras na makapagsumite sila ng mga kinakailangang dokumento.

May alok naman na free training program ang Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) para sa mga returning OFWs gamit ang ‘blended learning’.

Kailangan lang i-download ang TESDA mobile app para makapag-sign up.

Facebook Comments