Agarang pinabibigyan ng suporta ng Kamara ang mga kababayang hanggang ngayon ay hindi pa alam kung papaano makakabangon mula sa pinsalang iniwan ng nagdaang Bagyong Agaton.
Sa House Resolution 2557 ay umaapela ang Kamara sa gobyerno para sa agarang tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo kamakailan.
Tinukoy sa resolusyon ang pangangailangan na magkaroon ng “whole-of-nation-approach” o pagtutulungan ng lahat ng sektor upang maalalayan ang mga lugar sa kanilang pagbangon mula sa epekto ng bagyo, at mapagaan ang epekto ng “climate change.”
Binanggit din na magsilbing “wake-up call” ang pananalasa ng Bagyong Agaton at maging ang nakalipas na Bagyong Odette lalo’t mabigat ang epekto ng kalamidad para sa iba’t ibang komunidad at mga residenteng nahihirapan pa rin mula sa epekto naman ng COVID-19 pandemic.
Maliban sa pagiging mabilis sa pagaksyon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo, iginiit din na mas maging “proactive” sa pagtugon sa mga banta ng climate change, upang kapag may mga tatamang kalamidad ay maiiwasan ang pagkamatay ng maraming tao at mabawasan ang matinding epekto sa bansa.