Hiniling ni Health Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) na pag-aralan munang mabuti ang panukalang bigyan ng temporary license ang mga nursing graduates na hindi nakapasa sa board exam.
Ayon kay Go, pabor naman siya sa rekomendasyon ni Health Secretary Teodoro Herbosa na bigyan ng temporary license ang mga nursing graduates na non-board passer dahil madagdagan ang ating healthcare workforce, gayundin ay mabibigyan ang mga ito ng trabaho at mas dadami ang maaaring rumesponde sa pangkalusugang pangangailangan ng mga Pilipino.
Magkagayunman, payo ni Go ay pag-aralan muna itong mabuti dahil buhay ng mga kababayan natin ang nakasalalay rito.
Aniya, bigyan lamang ang mga ito ng tungkulin na naaangkop lang dapat sa kanilang kakayahan at kaalaman at hindi dapat ipantay tulad sa mga licensed nurses.
Paalala ni Go sa DOH na mayroon tayong umiiral na batas at regulasyon na kailangang sundin para maitaguyod ang ating professional standards at maprotektahan ang buhay, kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.
Batid ni Go na ang proposal na ito ay pansamantalang solusyon lamang para matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng bansa.
Pero, dagdag ng senador na bilang chairman ng health committee sa Senado, ang maging layunin sana ay higit na pagpapahusay sa ating medical education upang matiyak ang sapat na bilang ng mga qualified healthcare professionals.