Pagbibigay ng travel authority sa mga LSIs, mas naging mahigpit

Naging mahigpit ang Joint Task Force COVID-19 Shield sa paglalabas ng travel authority para sa mga Locally Stranded Individuals o LSIs para maiwasan ang pagkahawa-hawa pa ng COVID-19.

Ginawa ito ng JTF COVID Shield matapos makatangap ng mga reklamo mula sa mga lokal na pamahalaan na may mga LSI ang nakakabyahe kahit walang koordinasyon sa kanila.

Ayon kay Task Force Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar, kung coordinated ang biyahe ng mga LSIs mas mapaghahandaan ng mga tatanggap na Local Government Unit (LGU) lalo na ang mga nagmumula sa National Capital Region o NCR.


Aniya, kinukulang na ang pasilidad ng ilang LGU kaya hindi tinatanggap ang dami ng mga LSI na uuwi sa kanilang mga lugar lalo’t mahigpit na ipinagbabawal ang home quarantine.

Sinabi ni Eleazar na sa pagkuha ng travel authority ay kailangang may Medical Clearance Certificate na isyu ng City o Municipal Health Office at isumite sa local NTF Office sa pamamagitan ng mga City at Municipal Police Station.

At bago aniya iri-release ang travel authority, kailangang alam ng LGU ang mga pangalan at iba pang detalye ng biyahe ng LSI.

Facebook Comments