Isinusulong ni Senator Robin Padilla, na mabigyan ng tulong ng gobyerno ang mga biktima ng terror attack tulad na lamang sa nangyaring pag-atake o pagpapasabog sa Mindanao State University na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng marami.
Sa Senate Bill 2511 na inihain ni Padilla, sakaling maging ganap na batas makakatanggap na ng tulong mula sa gobyerno ang mga biktima ng pag-atake ng mga terorista.
Ang tulong para sa mga biktima ay magmumula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim ng panukalang “Terror Victims Assistance Act of 2023”, magbibigay ang estado ng financial, material, psychosocial at referral support and services sa mga biktima ng terorismo gayundin ay titiyakin ang mabilis na paghahatid ng suporta sa mga ito.
Ipinunto ni Padilla, na kadalasang ang mga biktima ng ganitong trahedya na mga nasugatan at namatayan ang siyang gumagastos sa hospital at sa funeral expenses ng mga nasawing biktima.