Pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Cebu, pinamamadali ang proseso

Umapela si Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development Chairman Erwin Tulfo na bilisan ang proseso sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Cebu.

Sa pagbisita ni Tulfo sa lalawigan ay napansin niyang nakatambak ang mga food pack sa isang distribution site ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa likod ng Bogo City hall at batay sa mga nakausap niyang residente ay hindi pa sila nakatatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Nabatid ng senador na kailangan munang sumalang sa interview ng mga biktima ng lindol at mag-fill up ng mga papel bilang requirement sa pagbibigay ng ayuda.

Personal na pinuntahan ni Sen. Erwin ang DSWD relief operations para iparating ang hinaing ng mga tao at ng mga LGU lalo’t takot na magpunta ng evacuation centers ang mga residente para kumuha ng tulong sa pangamba na gumuho ang gusali dahil sa mga aftershocks na nararanasan.

Nagpasalamat naman si Tulfo kay DSWD Secretary Rex Gatchalian na agad iniutos sa mga tauhan ng ahensya na unahin ang pagbibigay ng pagkain at tubig sa mga biktima bago isalang ang mga ito sa interview.

Facebook Comments