Sinuportahan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang posisyon ng Food and Drug Administration (FDA) na ilegal ang distribution at pagturok ng Sinopharm COVID-19 vaccine dahil hindi ito otorisado.
Kinukwestyon din ni Drilon kung paano nakalusot sa Bureau of Customs (BOC) ang nabanggit na China-made vaccine.
Sinabi ito Drilon, makaraang ihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nabakunahan na ang ilang opisyal ng gabinete, mga sundalo at kasapi ng Presidential Security Group (PSG).
Giit ni Drilon, paglabag ito sa FDA Law at sa FDA Circular na nagsasaad ng patakaran para sa Emergency Use Authorization (EUA) sa mga gamot o bakuna laban sa COVID-19.
Ikinatwiran pa ni Drilon na isang masamang halimbawa ang hindi otorisadong pagbabakuna sa ilang cabinet officials at miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Punto pa ni Drilon, pinapawalang saysay nito ang layunin ng paglikha sa FDA na protektahan ang kalusugan ng mamamayan at ang karapatan ng lahat para sa epektibo, ligtas, at dekalidad na mga gamot at bakuna.