Malaking tulong sa muling pagbangon ng ekonomiya ang pagbibigay ng full approval ng U.S. Food and Drug Administration (FDA) sa COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng health expert na si Dr. Tony Leachon na kung mabibigyan din ito ng full approval ng Pilipinas, mapapabilis nito ang pagbabakuna at agad na maaabot ang herd immunity sa bansa.
Kung magkataon, mas maraming negosyo ang magbubukas at makakabalik na sa eskwela ang mga bata.
Samantala, suportado ni Leachon ang apela ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sa Health Technology Assessment Council (HTAC) na ikonsidera ang pagbibigay ng permisong magamit sa bansa ang Covaxin na gawa ng India.
Aniya, lumabas kasi sa pag-aaral na epektibo rin ang Covaxin laban sa Delta variant gaya ng mga bakuna ng Pfizer, Moderna, Johnson & Johnson at AstraZeneca.
Nabatid na sa lahat ng bakunang binigyan ng Emergency Use Authorization (EUA), Covaxin na lamang ang hindi binibili ng Pilipinas.