Pagbibigay ng ₱10 billion cash aid sa mga MSMEs, hiniling ng Kamara sa mga Government Financial Institution

Pinaglalaan ng ₱10 billion cash aid ng Kamara ang mga Government Financial Institution (GFIs) para tulungan ang mga maliliit na negosyo mula sa pagbangon sa epekto ng pandemya.

Sa House Bill No. 1 o “Government financial institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic recovery (GUIDE) bill” na inihain ni Leyte Rep. Martin Romualdez, inaatasan ang dalawang GFIs, ang LandBank of the Philippines (LBP) at ang Development Bank of the Philippines (DBP) na palawakin ang kanilang programang pautang para makaagapay sa mga Micro-Small and Medium Enterprises (MSMEs) na apektado ng COVID-19 pandemic.

Tinatayang ₱7.5 billion ang ipinalalaang halaga sa LBP habang ₱2.5 billion naman sa DBP o kabuuang ₱10 billion para maisakatapuran ang mandato na pagtulong sa mga maliliit na negosyo.


Tungkulin ng LBP at DBP na palawakin ang kanilang credit program at rediscounting facilities sa mga apektadong MSMEs sa agrikultura, imprastraktura, manufacturing at service industries.

Iginiit ng kongresista ang kahalagahan ng tulong-pinansyal sa mga maliliit na negosyo upang makabalik sa operasyon at makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.

Facebook Comments