Pagbibigay proteksyon sa mga bata at kanilang pamilya, dapat iprayoridad ng bagong PNP chief

Makabubuting iprayoridad ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Benjamin Acorda Jr., ang pagbibigay proteksyon sa mga bata at kanilang pamilya.

Hiling ito ni House Committee on the Welfare of Children Chairperson at BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co sa dahilang ang mga bata ay kabilang sa most vulnerable sectors ng ating lipunan at palaging nabibiktima.

Mungkahi ni Co kay Gen Acorda, palakasin ang serbisyo ng Women and Children’s Desk at tutukan ang pagresolba sa mga krimen laban sa mga bata.


Sabi ni Co, madalas ay mga bata ang ginagamit ng mga sindikato, gang at mga iresponsableng indibidual para gumawa ng krimen o mga ilegal na aktibidad tulad ng pagnanakaw, kidnapping, sexual assault, rape, illegal drug trafficking, at prostitusyon.

Inirekomenda rin ni Co kay Acorda na palakasin ang koordinasyon ng mga istasyon ng pulisya sa mga barangay para maresolba ang kriminalidad at manaig ang kapayapaan, katahimikan at seguridad sa buong bansa.

Facebook Comments