Iminungkahi sa Senado ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang pagbibigay ng proteksyon sa mga minor o mga batang apprentice sa ilalim ng Apprenticeship Program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ipinatutupad sa ilang mga kompanya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development, sinabi ni EDCOM Chief Legal Officer Atty. Joseph Noel Estrada na lumabas sa kanilang isinagawang konsultasyon sa mga stakeholders ang mga reklamo kaugnay sa mga menor de edad na apprentice na ang pinakabata ay 15 taong gulang ang nakaranas ng sexual harassment at iba pang uri ng pang-aabuso sa mga kompanya kung saan sila nagsasanay ng trabaho.
Tinukoy pa ni Estrada na maging ang mga kabataang na-absorb sa trabaho matapos sumailalim sa apprenticeship program ay nakaranas din ng isa o higit pa sa dalawang beses na harassment at iba pang uri ng pagsasamantala mula sa kanilang superiors.
Sa tingin pa niya, ang mga minor apprentice at kahit ang mga bagong hire sa trabaho ay naaabuso dahil bukod sa sila ay bata pa ay hindi rin pamilyar ang mga ito sa kanilang workplace.
Bunsod nito ay hiniling ng EDCOM kay Committee on Labor Chairman Senator Jinggoy Estrada na isama sa panukala ang paglalagay ng dagdag na mekanismo sa enterprise level o sa mga kompanyang nagpapatupad ng apprenticeship program para mabigyan ng proteksyon at matiyak ang kaligtasan ng mga child apprentice mula sa lahat ng uri ng pang-aabuso at matiyak ang pagpapatupad ng Safe Spaces Act.
Dagdag pa ng chief legal officer, hindi na lang basta workplace na may mga empleyado ang pinag-uusapan dito kundi may mga bata na rin sa mga kompanya ang kailangang maprotektahan.