Itinutulak ng Makabayan bloc sa Kamara ang pagbibigay ng proteksyon sa lahat ng mga manggagawa at workers’ organization laban sa anumang uri ng pang-aalipusta.
Mula sa ilalim ng House Bill 10201 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan bloc, layunin nitong pigilan ang sapilitang pagbabawal sa mga empleyado o manggagawa na makilahok o maging miyembro ng mga organisasyon.
Ipinagbabawal din sa panukala ang diskriminasyon laban sa mga miyembro ng unyon at pagharang sa mga ito para makapagsagawa ng mapayapang aktibidad tulad ng red-tagging o pag-classify sa mga ito na “supporters” ng mga communist movement.
Ipinagbabawal din ang pagsasagawa ng mga law enforcers tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng information drive o seminar para mapigilan ang mga manggagawa sa pagsali sa mga workers’ organization.
Sa oras na maging ganap na batas ay mahaharap sa multang P100,000, isa hanggang dalawang taong pagkakabilanggo at kung taga-gobyerno ay mahaharap sa diskwalipikasyon sa paghawak sa anumang posisyon sa public office.
Tinukoy sa panukala na sa kabila ng pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa at workers’ union ay nakakaranas pa rin ang mga ito ng harassment, intimidation, red-tagging, marahas at illegal dispersal sa mga protesta, iligal na pag-aresto at pinakamalala ay pagpatay sa ilang mga manggagawa.