Pagbibigay proteksyon sa mga senior citizens laban sa mga scam, isinusulong sa Senado

Pinaiigting ni Senator Jinggoy Estrada ang pagbibigay ng proteksyon sa mga senior citizens laban sa mga budol-budol o scams lalo na sa online.

Tinukoy ng senador ang kahalagahan na mabigyan ng proteksyon ang mga matatanda na kadalasang nabibiktima ng mga kawatan dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman sa paggamit ng teknolohiya lalo sa social media at online na sinasamantala ng mga sindikato para makapagnakaw sa mga ito ng pera.

Sa Senate Bill 671 o Senior Citizens’ Fraud Education Act ay layunin na magkaroon ng isang inter-agency centralized service na siyang pipigil sa mga scammers na makapambiktima sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyon sa mga senior citizens at kanilang mga pamilya.


Inaatasan naman ang Department of Trade and Industry (DTI) na maging lead agency katuwang ang Department of Justice (DOJ), Department of Health (DOH), at Philippine Postal Corporation (PPC) para sa pagpapakalat ng impormasyon at paraan kung paano maipapaabot ang mga sumbong ng scam gamit ang mail, telemarketing at internet.

Magkakaroon rin ng website na maglalaman ng impormasyon at tutulong sa publiko sa pagtukoy ng scam kaugnay sa mga pinansyal na produkto at mga serbisyo, mga gamit na instrumento sa pagpapautang at pammumuhunan, insurance products, text scams at iba pang iligal na aktibidad.

Facebook Comments