Nanawagan si House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan sa gobyerno na magbigay ng sapat na proteksyon at seguridad para sa mga pangunahing testigo sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng House Quad Committee ukol sa kontrobersyal na war on drugs ng nakaraaang administrasyon.
Diin ni Libanan sa kaukulang ahensya ng pamahalaan, proteksyunan ang mga resource persons o key witnesses na nagbibigay ng testimonya sa quad committee dahil nalalagay sila at kanilang pamilya sa panganib.
Inihalimbawa ni Libanan sina retired Police Colonel Royina Garma at umano’y drug trafficker Kerwin Espinosa na nagsiwalat sa quad committee ng kanilang nalalaman ukol sa extra judicial killings sa ilalim ng war on drugs.
Binanggit ni Libanan ang paglalahad ni Garma ng detalye kung paano iniayon ng Duterte administration sa “Davao template” ang implementasyon ng war on drugs at ang kaakibat nitong reward system para sa mga pulis na nakakapatay ng mga sangkot sa iligal na droga.
Habang isiniwalat naman ni Espinosa kung paano siya pinilit ni dating Philippine National Police Chief at ngayon ay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na isangkot si dating Senator Leila de Lima sa drug trafficking scandal.