Pagbibigay proteksyon sa relihiyon o pananampalataya ng mga estudyante, isinusulong sa Senado

Isinusulong ni Senator Robin Padilla ang panukala na titiyak sa pagrespeto sa relihiyon ng mga estudyante sa mga educational institution.

Sa ilalim ng Senate Bill 1609 o ang “Protection of Students’ Religious Belief Act” ni Padilla, papatawan ng parusa ang sinumang lalabag sa “right to religion” ng mga estudyante.

Binigyang-diin ni Padilla na nakasaad sa Konstitusyon ang proteksyon at malayang pagpili ng anumang relihiyon o pananampalataya nang hindi nanganganib na mabiktima ng diskriminasyon.


Gayunman, sa mga nakalipas na taon aniya ay kapansin-pansin ang kakulangan ng mga educational institution sa paraan ng pagtuturo nang relihiyon nang walang pinipiling sektor.

Pinakamahirap pa aniya ay ang napipilitan ang mga estudyante na mag-enroll sa religious classes at dumalo sa academic activities na manghihimasok sa sarili nilang pananampalataya.

Alinsunod sa panukala, walang estudyante ang sapilitang ie-enroll sa religious value, lesson, subject, o course na iba sa kaniyang paniniwala.

Ang sinumang lalabag sa probisyong ito ay papatawan ng multang mula P500,000 hanggang P2 milyon o pagkabilanggo na mula anim na taon hanggang walong taon.

Facebook Comments