Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi apektado ng mga kinahaharap nilang isyu ngayon ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Pilipino lalo na ngayong humaharap tayo sa banta ng COVID-19 pandemic.
Ito ay kaugnay sa mga anumalya sa loob ng ahensiya at ang sinasabing ibinulsa umano na pondo na aabot sa P15 bilyon.
Sa exclusive interview ng RMN Manila, sinabi ni Philhealth President at Chief Executive Officer Brigadier General Ricardo Morales na may pondo pa ang ahensiya hanggang sa mga susunod na taon.
Aniya, medyo bumaba lang ang naging koleksiyon dahil na rin sa maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho at hindi nakapagbayad dahil sa epekto ng pandemya.
Kasunod nito, welcome naman aniya para kay Morales ang ginagawang imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Council (PACC) sa loob ng ahensiya para na rin masigurong walang mangyayaring pagtatakip sa mga dawit sa anumalya.