Pinabulaanan ni PhilHealth President Ricardo Morales ang panibagong alegasyon ng korapsyon sa ahensya.
Kasunod ito ng pagbibitiw ng tatlo nitong opisyal matapos ang umano’y mainitang diskusyon sa isang online meeting hinggil sa mga katiwalian sa PhilHealth.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Morales na nagbitiw sa pwesto ang kanyang executive assistant na si Etrobal Laborte para kumuha ng higher studies habang una nang itinanggi ni Corporate Legal Counsel Atty. Roberto Labe na siya ay nag-resign.
Kinumpirma naman ni Morales ang pagbibitiw ng kanilang anti-fraud legal officer na si Thorsson Montes Keith na aniya’y posibleng may sama ng loob matapos na hindi niya tanggapin ang aplikasyon nito para sa isang pwesto.
Kasabay nito, hinamon ni Morales si Keith na ilabas ang nalalaman nitong korapsyon.
Giit ni Morales, posible talaga ang inefficiency sa PhilHealth pero sa ngayon ay wala pang ebidensya ukol sa mga alegasyon na mayroong sindikato sa loob ng korporasyon na gumagawa ng malawakang korapsyon.
Samantala, handa si Morales na sagutin ang mga alegasyon sa ikakasang imbestigasyon ng Senado.
Suportado naman ni Senador Joel Villanueva ang anumang hakbang na imbestigahan ang PhilHealth.
Aniya, hindi maaaring balewalain ang mga alegasyon ng korapsyon lalo na sa panahong ito ng pandemya.