Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na ang pagbibitiw sa tungkulin si Police General Oscar Albayalde ay dahil sa pressure ng mga retired general mula sa Philippine Military Academy (PMA).
Ito ay matapos na ibunyag ni Senador Richard Gordon na mayroong mga kumakalat na message mula sa retired generals ng PMA na binansagang “Save PNP” na nananawagan sa pagbaba sa pwesto ni Albayalde.
Pero ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac wala umano siyang ideya sa sinasabing kumakalat na text at online messages laban kay Albayalde.
Giit ni Banac, dapat ay mabigyan din ng pagkakataon si Albayalde na malinis ang kaniyang pangalan at huwag muna itong husgahan kaagad habang wala pang konkretong ebidensya na nailalantad laban sa kaniya.
Nitong Lunes, bumaba sa kanyang puwesto bilang PNP chief si Albayalde at pinili ang non duty status dahil sa personal na kadahilanan at pag-aalala sa kanyang nadadamay na pamilya kaugnay sa isyu ng “ninja cops”.
Nakatakda siyang magretiro sa Nobyembre 8 sa pagsapit ng kanyang retirement age na 56 years old.