Pagbibitiw ni dating DPWH Sec. “Babes” Singson sa ICI, hindi na nakakapagtaka ayon kay Senate President Tito Sotto III

Iginiit ni Senate President Tito Sotto III na hindi masisisi si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio “Babes” Singson sa pagbibitiw nito bilang Commissioner ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Sotto, hindi na siya nagtataka na umalis sa ICI si Singson dahil sa stress at kawalan nila ng kapangyarihan sa gitna ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa anomalya ng flood control projects.

Para kay Sotto, pinakamagandang gawin ay ipasa na ang panukalang Independent People’s Commission (IPC) na ipapalit sa ICI para magkaroon ng kapangyarihan sa mga iimbestigahang katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Sinabi ng Senate President na siyang principal author ng IPC Bill sa Senado, na sa susunod na linggo ay posibleng isalang na ang panukala sa period of interpellation at maipasa na sa ikalawang pagbasa.

Dagdag pa ni Sotto, noong Agosto niya pa gusto maaprubahan ang IPC bill upang mabigyan ng ngipin ang komisyon hindi lamang sa mga iniimbestigahang ghost flood control projects kundi sa lahat ng katiwalian sa proyekto sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Facebook Comments