Walang saysay ang pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque III kung hindi rin naman maaayos ang sistema sa Department of Health (DOH).
Tugon ito ni Vice President Leni Robredo kasunod ng panibagong panawagan na magbitiw na ang kalihim matapos na sitahin ng Commission on Audit (COA) ang DOH dahil sa P67.3 billion COVID-19 response funds deficiencies nito.
“Ang pinaka-importante sakin, laging moving forward. Ano yung makaka-improve? Kasi kahit magbitiw kung hindi naman mag-i-improve yung sistema, wala din,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
“Pero ‘yung sa’tin, nasa middle tayo ng pandemic. Napakahalaga na maaayos yung governance kasi kung hindi maayos, buhay ang nakataya.”
Maliban sa budget issues, sinita rin ng COA ang DOH sa P95.15 million na halaga ng expired o near-expiry medicines at medical supplies.
“Maraming mamamatay dahil hindi kayang uminom ng gamot tapos gumagastos ang pamahaaan ng napakamahal para sa mga gamot na mag-e-expire na, sobrang sayang,” dagdag pa ng bise presidente.
Nanghihinayang din si Robredo sa P24.6 billion na “unobligated” at P4.7 billion appropriated pero hindi nai-release na ung susumahin ay maaaring magamit na pondo para sa libreng dialysis sessions o pagbili ng maintenance medicine ng mga may sakit.
“At P4,500, 6.5 million na dialysis sessions. Na-imagine mo ba Ka Ely kung ilang buhay yung mase-save nito kung yung perang ito, ginastos for dialysis. Ang point ko lang, at a time na grabe ang pangangailangan, bakit ganito?”
Bagama’t wala pang ebidensya na nagsasabing ninakaw ang pondo, binatikos ni Robredo ang underspending ng budget kahit pa kailangan ito ng mga ospital ngayong panahon ng pandemya.