Ipinanawagan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang agarang pagbibitiw ni Education Secretary Leonor Briones at iba pang opisyal na responsable sa maanomalyang Self-Learning Modules (SLMs).
Giit ni Marcoleta, mula ng ilantad nito sa kanyang privilege speech nitong March 15 ang kawalan ng learning modules ng mga mag-aaral sa 3rd quarter, wala man lamang aniyang ginawang aksyon dito ang Department of Education (DepEd) Central Office.
Bukod dito, ginamit pa aniyang palusot ng DepEd sa kawalan ng learning modules ang deklarasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Marcoleta na ang ginawa ng ahensya ay inatasan ang Regional at Division Offices na i-reproduce ang modules noong unang buwan para magamit para sa 3rd quarter at nangako na lang na popondohan ang pagpapa-imprenta.
Nagtataka ang mambabatas dahil ini-adjust ang pagbubukas ng 3rd quarter sa March 22 mula sa February 15 para makapagplano ng maayos pero ang ECQ na nitong Abril lamang ipinatupad ang ginagawang katwiran ng ahensya.
Lalong ikinagalit ng Deputy Speaker ang plano ng ahensya para sa 4th quarter learning modules na kakapost lang ng Invitation to Bid gayung magsisimula na ang next quarter sa May 17 at magtatapos na ng July 10.
Dagdag ng mambabatas, lubos nang nahirapan ang mga estudyante sa first at second quarter ng school year nang magkaroon ng setback o sagabal sa produksyon ng SLMs na nasa P10 billion ang pondo.