Pagbibitiw ni Speaker Romualdez, kinumpirma ng isang lider ng Kamara

Kinumpirma ni House Deputy Speaker Representative Ronaldo Puno ang desisyon ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magbitiw bilang lider ng Kamara.

Ayon kay Puno, layunin ng plano ni Romualdez na maisalba ang reputasyon ng Kamara lalo’t palaging siya ang pinupuntirya kaugnay sa iba’t ibang kontrobersya tulad ng isyu ng maanomalyang flood control projects.

Sabi ni Puno, ilang beses na itong binanggit ni Romualdez sa mga lider ng iba’t ibang partido sa Kamara pero kanilang inawat at sa halip ay pinayuhan siya na mag-leave na lang muna sa posisyon.

Pero ayon kay Puno, kahapon ay naging pinal na ang desisyon ni Romualdez na iwanan ang pagiging House Speaker at inirekomenda nito na pumalit sa kanya si House Deputy Speaker at Isabela 6th District Rep. Bodjie Dy.

Binanggit ni Puno na ikinakatwiran ni Romualdez na mas mainam na magbitiw siya upang hindi mabahiran ng pagdududa ang mga isinasagawang imbestigasyon ngayon at upang hindi isipin ng publiko na ginagamit niya ang kanyang posisyon para makaiwas sa pananagutan.

Facebook Comments