Malinaw para kay Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas na pinaghahandaan na ni Vice President Sara Duterte ang 2025 elections kung saan tiyak magsasalpukan ang kapangyarihan ng mga Duterte at Marcos.
Ito ang nakikitang rason ni Brosas kaya nagbitiw si VP Sara bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at co-vice chairperson ng National Task Force to End local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Naniniwala si Brosas na sa simula pa lang ay wala naman talagang intensyon si Duterte na resolbahin ang krisis sa sistema ng ating edukasyon at protektahan ang kapakanan ng mga guro at estudyante.
Diin ni Brosas, ang pagtalaga kay VP sara sa DepEd ay naka-ugat lang sa takbo ng politika sa bansa.
Kahit may lamat na umano ang sinasabing “unity” sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at Vice President Duterte ay nanawagan si Brosas sa publiko na manatiling mapagbantay laban sa pagsusulong ng mga polisya at uri ng pamamahala na hindi pabor sa mamamayan Pilipino.