Para kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) ay patunay na kailanman ay wala umano itong pake sa sektor ng edukasyon sa simula pa lang.
Sabi ni Manuel, malinaw na tinrabaho ni Duterte na mapamunuan ang DepEd dahil isa ito sa mga ahensiyang may pinakamalaking pondo.
At ngayon, ayon kay Manuel, nilayasan na ni Duterte ang DepEd dahil hindi na ito nakakatulong sa kaniyang agenda.
Binanggit din ni Manuel na kahit nagbitiw na bilang Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Duterte ay hindi pa rin mabubura ang pagiging red-tagging queen nito na walang ginawa kundi palabasing masama ang mga jeepney driver, teachers at mga estudyante na naglalabas ng hinaing laban sa gobyerno.
Diin ni Manuel, walang malasakit si VP Sara at wala ring Bagong Pilipinas sa walang tigil na bangayan ng may kapangyarihan at pagsusulong ng pekeng unity o pekeng ‘oposisyon’.