Pinaghahandaan na ng mga awtoridad sa Dagupan City ang posibleng pagbigat ng daloy ng trapiko ngayong holiday season upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe ng publiko.
Ayon sa Public Order and Safety Office (POSO), pinalakas na ang presensya ng traffic enforcers sa mga pangunahing kalsada kabilang ang A.B. Fernandez Avenue, Arellano Street, at M.H. Del Pilar Street, na karaniwang nagiging traffic-prone tuwing kapaskuhan.
Kabilang rin sa binabantayan ang pansamantalang pagsasara ng daan sa Herrero Perez dahil sa isinasagawang roadwork, na maaaring magdulot ng pagsisikip ng trapiko sa bahagi ng Rizal.
Dagdag pa rito, inaasahan ang pagdami ng mga sasakyang papasok sa lungsod, kaya nakikipagkoordina ang POSO sa kapulisan para sa pagpapatupad ng dagdag na traffic measures.
Samantala, magsasagawa rin ng inspeksyon ang Land Transportation Office (LTO) sa mga bus terminal sa lungsod sa mga susunod na araw.
Titingnan ng ahensya ang kondisyon ng mga bus at ang kumpletong dokumento ng mga drayber at konduktor upang matiyak na ligtas ang mga pasaherong uuwi ngayong Pasko at Bagong Taon.
Pinayuhan naman ang mga motorista at pasahero na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan bago bumiyahe upang makaiwas sa aberya at aksidente ngayong holiday season.






