Pinaiimbestigahan ng isang transparency watchdog ang napipintong pagbili ng Department of National Defense (DND) ng may 36,000 striker fired pistol na may budget na P1.7 billion.
Ipinasisilip ng grupo ang nangyaring proseso ng Bids and Awards Committee at ng Technical Working Group sa bidding process o pagpili ng supplier nito.
Ayon sa Pinoy Aksyon, tila overpriced o masyadong mahal ang presyo ng bawat piraso ng baril.
Sa nakalap na bid document, aabot sa P49,500 ang kada piraso nito, gayong nasa P22,000 lang o doble halos ang presyo nito kung ikukumpara sa iba’t ibang establisimyento.
Kahina-hinala rin ang ginawang paghihigpit ng Bid and Awards Committee sa mga requirements para sa bidding process dahil tila ipinipilit ang mga alumium/carbon steel striker fired pistols dahilan upang madehado ang ilang supplier.
Nagtanong ang grupong Pinoy Aksyon kung bakit ipinipilit ng Bid and Awards Committee na gumamit ng alumium/carbon steel striker fired pistol gayong hindi naman ito ginagamit ng alinman sa military na kabilang sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) dahil hindi ito subok sa ganitong uri ng mga baril.
Iginiit ng grupo na dapat malaman ng publiko ang ganitong uri ng transaksyon sa loob ng kagawaran at nararapat din umanong maibulgar kung sino ang nasa likod nito.