Pina-e-exempt ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa procurement law ang pagbili ng hukbong sandatahan ng mga kinakailangang armas at iba pang kagamitan.
Sa budget deliberation ng Senado para sa 2024 budget ng Department of National Defense, iginiit ni Zubiri na dapat ay exempted na sa listahan ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) ang mga bibilhing armed services ng bansa.
Ito ay para maiwasan na malaman ng mga kalaban ng estado ang mga armas at iba pang kagamitan na bibilhin ng bansa.
Umapela si Zubiri kay Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na magsingit na lamang ng special provision sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act para sa exemption ng Armed Forces of the Philippines sa procurement law.
Paliwanag ni Zubiri, kung susundin pa ang nais ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na buong procurement law ang amyendahan ay magiging madugo at matatagalan pa ito bago maaprubahan.
Sinangayunan naman ito ni Senator Ronald Bato dela Rosa, sponsor ng DND budget sa Senado, na lilimitahan lang ang amyenda sa probisyon sa defense procurement kung saan hindi kasama sa exemption ang procurement ng mga LGUs.