Pagbili ng bakuna ng mga LGUs, pinatitiyak na pasok pa rin sa tripartite agreement

Pinatitiyak ng pamahalaan sa Kamara na pasok pa rin sa tripartite agreement ang gagawing pagbili ng mga lokal na pamahalaan ng COVID-19 vaccines.

Ito ay sa gitna na rin ng isinusulong na panukala na layong payagan ang mga lokal na pamahalaan na bumili ng mga bakuna na direkta sa manufacturers.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez na suportado naman ng pamahalaan ang naturang panukala upang maging mabilis ang procurement at administration ng mga COVID-19 vaccines.


Sa kabilang banda, paalala naman ni Galvez na sakaling maging batas ang panukala ay kailangang makasunod pa rin ang mga Local Government Unit (LGU) sa tripartite agreement para sa vaccine procurement dahil hindi naman buo ang responsibilidad na maibibigay sa mga local government.

Ganito rin ang posisyon ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje dahil ang Department of Health (DOH) at ang National Task Force (NTF) ang nasa posisyon para sa pakikipagnegosasyon, at para masigurong plantsado ang pagkuha ng mga bakuna.

Dagdag ni Food and Drug Administration (FDA) Dir. Gen. Eric Domingo, dapat pa ring sumunod ang mga LGU sa DOH at NTF sa vaccination program dahil ang mga bakuna na maaari lamang magamit ay may Emergency Use Authorization (EUA) mula sa FDA.

Facebook Comments