Dapat na i-liberalize na lamang ang proseso ng pagbili ng mga pribadong sektor ng sarili nilang bakuna.
Ito ang apela ni Vice President Leni Robredo kasunod ng pagpayag ng pamahalaan na pumasok sa tripartite agreement ang mga private company sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Sa ilalim ng kasunduan, kalahati ng bibilhin nilang bakuna ay para sa kanilang mga manggagawa at ang kalahati ay donasyon sa gobyerno na ipapamahagi naman sa mga frontliner.
Para kay Robredo, ayos lang naman na may donasyon pero huwag na sana aniyang pahirapan ang mga negosyo na gustong bumili ng sarili nilang bakuna.
Katunayan, makakatulong pa nga aniya ito para mas marami ang mabakunahan nang hindi nila kinakailangang makipagsiksikan sa bakunang ilalaan ng pamahalaan.
“Para sa akin Ka Ely, the more yung mava-vaccine, nakakatulong sa’ting lahat e, mas mabilis nating maaabot yung herd immunity. Sana hindi grabe yung pagka-centralize kasi ang worry ko baka sobrang centralize na yun tuloy yung makakasagabal,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
“The more people na pwedeng tumulong, itong mga private companies, wag nang pahirapan, siguro maayos lang yung protocols, maayos yung regulations. Kasi yung ipapa-vaccinate nila tulong yun sa ekonomiya natin e,” saad pa niya.
Samantala, dapat din aniyang isama sa plano ng gobyerno kung paano tutulungan ang mga Local Government Unit (LGU) na walang kapasidad na makabili ng sarili nilang bakuna.
“Ang sinasabi na yung mga LGU na hindi preparado sa vaccine rollout, hindi bibigyan. Parang nakaka-worry ito kasi iba-iba yung capacities ng mga LGU, may mga LGU na kaya, may mga LGU na hindi. Sana bahagi ng plano kung paano tutulungan yung mga LGU na walang capacity kasi hindi naman kasalanan ng mga tao kung yung LGU niya walang capacity na sumabay sa ibang LGUs.”