Pagbili ng body camera para sa airport security, dapat iprayoridad ng DOTr ayon kay Rep. Recto

Iginiit ni House Deputy Speaker at Batangas Representative Ralph Recto sa Department of Transportation (DOTr) na iprayoridad ang pagbili ng mga body cameras para gamitin ng mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS).

Umaasa si Recto na ang plano ng DOTr na bumili ng body cameras ay hindi magagaya sa Philippine National Police (PNP) na inabot ng ilang taon bago nabili dahil mas una umanong inatupag ang pagbili ng mamahaling aso.

Para kay Recto, ang pagbili ng body camera para sa mga airport screening personnel ay dapat ituring na emergency purchase at hindi “eternal procurement”.


Ang pahayag ni Recto ay bilang suporta sa sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na dapat magsuot na ng body cameras ang mga security officers sa NAIA at iba pang paliparan sa bansa.

Sa pulong ni Romualdez kay DOTr Secretary Jaime Bautista, natalakay na hindi na rin papayagan ang pagsusuot ng mga jacket o uniporme na may mga bulsa para maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw.

Facebook Comments