Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa House Committee on Good Government and Public Accountability ang isyu ng pagbili ng Department of Education o DepEd ng umano’y mga “overpriced at outdated” ng laptops para sa mga guro.
Ang hiling na imbestigasyon “in aid of legislation” ay nakapaloob sa House Resolution 189 na inihain ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Representative France Castro.
Basehan ni Castro ang 2021 annual audit report ng Commission on Audit o COA na nagsasabing ang pagbili sa nabanggit na mga laptops ay ipinadaan pa sa Department of Budget and Management-Procurement Service sa halip na sa sariling Bidding and Awards Committee ng DepEd.
Tinukoy rin ni Castro na batay sa COA, aabot sa P2.4 billion ang inilaan sa pagbili ng mga laptop na nagmula sa Bayanihan to Recover as One Act na para sana sa implementasyon ng distanced learning sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Nakita rin sa COA report na bumaba umano sa mahigit 39,000 mula sa mahigit 68,000 ang bilang ng mga guro na dapat benepisyaryo nito.
Giit ni Castro, hindi ito ang unang pagkakataon na bumili ang Marketing and Sales Division of the Procurement Service (PS-DBM) ng umano’y overpriced na mga produkto.