Inihahanda na ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mga dokumento kaugnay sa umano’y overpriced na mga ambulansya na binili ng Department of Health (DOH).
Pagpapaliwanagin ni Lacson ang DOH hinggil dito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Martes ukol sa umano’y maling paggastos sa pondong pantugon sa pandemya.
Sabi ni Lacson, pwede ring komprontahin ang DOH kapag sumalang sa deliberasyon ang panukalang budget nito para sa susunod na taon.
Base sa impormasyon ni Lacson, 2.5 million pesos ang halaga ng biniling ambulansya ng DOH na Nissan Cargo Van na mayroong Automated External Defibrillator o AEB.
Pero natuklasan ni Lacson na ₱1.27 million lang ang bili ng Local Goverment Units (LGUs) sa kaparehong ambulansya na walang AEB na nagkakahalaga lamang ng ₱300,000.
Nabatid ni Lacson na sa CALABARZON lamang ay 98 units ng ambulansya ang ipinamahagi ng DOH.