Pagbili ng firefighting helicopters, iginiit ng isang kongresista sa BFP at DILG

Iginiit ni Deputy Speaker at Cebu 5th District Representative Vincent Franco “Duke” Frasco sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na isama sa pondo para sa susunod na taon ang pambili ng firefighting helicopters.

Sa inihaing House Resolution No. 1686 ay binigyang-diin ni Frasco na labis ng nakababahala ang mabilis na pagtaas ng mga insidente ng sunog na umabot sa 25 porsiyento sa loob lamang ng dalawang buwan ngayong 2024.

Ayon kay Frasco, sa mga nagdaang taon ay kabilang ang mga insidente ng sunog sa mga malalaking problema sa Pilipinas lalo na sa mga lugar na malaki ang populasyon.


Mabigat na hamon aniya sa mga bumbero o kagawad ng pamatay sunog ang masikip na mga eskinita, kalsada at matinding trapiko kapag sila ay rumeresponde sa sunog bukod sa luma na rin ang kanilang mga kagamitan at sasakyan.

Kaya naman mungkahi ni Frasco, kailangan ang makabago at modernong firefighting helicopters upang mapabilis ang pagresponde ng mga bumbero sa mga insidente ng sunog sa Metro Manila o saanmang lugar sa Pilipinas.

Facebook Comments