Pagbili ng gadget at pagpapakabit ng internet para sa online learning, hindi required – DepEd

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi required ang mga magulang at estudyante na bumili ng gadget at magpakabit ng internet para makalahok sa online learning program sa darating na pasukan.

Ang pahayag ng DepEd ay kasunod ng insidente ng pagpapakamatay ng isang estudyante sa Sto. Domingo, Albay.

Base sa ulat, labis na pinroblema ng incoming grade 9 student ang gastos para sa online learning.


Giit ng DepEd, hindi bulag ang ahensya sa kalagayan ng maraming mag-aaral sa bansa na walang sapat na resources para sa online learning.

Isa lang naman ang online learning sa mga opsyon sa ilalim ng ‘blended learning’ dahil pinaghahandaan din ng ahensya ang pagpapatupad ng home-based learning sa pamamagitan ng TV, radyo, online at printed modules.

Dagdag pa ng DepEd, tuluy-tuloy ang pagbuo nila ng mga polisiya, plano at proseso para matiyak na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan sa gitna ng nararanasang krisis ng bansa.

Facebook Comments