Pagbili ng malalaking barko, inihirit ni SP Zubiri sa DND

Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Department of National Defense (DND) ang pagbili ng mga malalaking barko, patrol boats at makabagong missile system para sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG).

Ang apela ni Zubiri ay kaugnay na rin sa panibagong insidente ng pambu-bully ng China sa Pilipinas kung saan hinarang at binombahan pa ng tubig ng Chinese Coast Guard ang ating Philippine Coast Guard (PCG) habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Ginawa ng senador ang panawagan sa DND sa gitna ng pagdinig ng Senado patungkol sa panukalang National Defense Act of 2022.


Nanghihinayang ang Senate president sa tapang ng ating awtoridad dahil kapag hina-harass na tayo ng China ay wala tayong magawa dahil sa maliliit ang barko ng bansa na kapag binangga ay tiyak na lubog agad ito sa karagatan.

Ayon kay Zubiri, dahil sa nangyaring insidente kamakailan ay mas kailangan na nating bumili ng malalaking barko, frigates, at patrol boats na kayang makatagal sa karagatan.

Aniya, dahil maliliit ang ating barko ay kinakailangan pang bumalik para mag-resupply at mag-restock ng logistics, langis at iba pang kailangan hindi tulad sa mga barko ng China na ang lalaki ng coast guard vessels na hindi agad nauubusan ng mga suplay.

Bukod sa malalaking sasakyang pandagat ay humirit din si Zubiri sa DND na dagdagan ang military planes at anti-aircraft missile ng Philippine Air Force na magbabantay at magmo-monitor sa himpapawid sa pinag-aagawang teritoryo.

Punto ni Zubiri, ito ang mas kailangan ng ating bansa para depensahan ang ating soberenya laban sa mga harassment at panghihimasok ng ‘unfriendly neighbor’ sa norte na China.

Facebook Comments