Pagbili ng mga panregalong laruang pambata ngayong Pasko, dapat suriing mabuti ng mga mamimili ayon sa grupong EcoWaste

Pinaalalahanan ng EcoWaste Coalition ang mga magulang, mga ninong, at ninang na pumili ng non-toxic at age-appropriate na laruan para sa mga reregaluhang bata.

Ito’y sa gitna pa rin ng Christmas rush, dahil sa inaasahang pagbili ng pang-exchange gift sa mga paaralan o di kaya’y para naman sa miyembro ng pamilya.

Ayon kay Dr. Angel Belle Dy, isang child health expert, hinihikayat nila ang mga magulang, mga ninong, at ninang na pumili ng non-toxic at age-appropriate na laruan para sa mga reregaluhang bata.

Bukod sa safe, mahalaga rin ang tamang laruan sa paghubog ng pag-iisip, galaw, at emosyon ng bata.

Imbes rin na electronic toys, iminungkahi nito ang “open-ended toys” tulad ng blocks, art materials, bola, at mga manikang nagpapalawak ng imahinasyon at aktibong pagkatuto ng bata.

Maaari rin umanong ikonsidera ang mga larong nakabase sa karanasan gaya ng outdoor play time, museum visits, at music classes o di kaya’y makipag-bonding kasama ang magulang o mga lolo at lola.

Sa huli, nanawagan ang EcoWaste Coalition sa publiko na piliing mabuti ang mga regalong laruan upang matiyak ang kaligtasan at malusog na pag-unlad ng mga bata.

Facebook Comments