Sa budget hearing ng Senado ay kinuwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Department of Budget and Management (DBM) Procurement Service sa pagbili ng iba’t ibang overpriced medical supplies.
Pangunahing tinukoy ni Drilon ang 2,000 units ng COVID-19 test kits na binili sa Pharmally Pharmaceutical Corporation sa halagang ₱688 million o ₱344,000 bawat kit na aniya’y overpriced ng ₱208 million.
Sabi ni Drilon, overpriced naman ng mahigit ₱41 million ang biniling 675 units ng RNA extraction kits sa Lifeline Diagnostics Supplies Inc. sa halagang ₱73.1 million.
Binanggit din ni Drilon na overpriced naman ng ₱173 million ang nasal pharyngeal swab na binili sa Biosite Medical Instruments sa halagang mahigit sa ₱415.6 million.
Paliwanag naman ni DBM Undersecretary Lloyd Christoper Lao, emergency o madalian ang pagbili ng mga COVID test kits noong Abril at sa local suppliers lang sila inaprubahang bumili.
Ayon kay Lao, nitong Hunyo ay nakabili na sila ng mas murang test kits mula sa Singapore at China.
Inihayag din ni Lao ang pagkansela ng pagbili ng 500 Personal Protective Equipment mula sa Ferjan Health Link na pinaglaanan ng ₱727 million na budget.
Sabi ni Lao, ito ay dahil sa atrasadong delivery at overpricing bukod sa nabatid nila na mula sa Securities and Exchange Commission na ang isa sa stockholders o kasosyo sa nabanggit na kumpanya ay blacklisted sa DBM.