Pagbili ng oversupply na gulay mula sa mga magsasaka sa Benguet, panawagan ng isang kongresista

Nakikiusap si Benguet Rep. Eric Yap sa mga restaurant, lokal na negosyo, mga lokal na pamahalaan kasama ang mga lungsod sa Metro Manila na bilhin sa makatwirang halaga ang sobra-sobrang suplay ng gulay mula sa mga magsasaka sa Benguet.

Panawagan ito ni Yap dahil nangyayari na naman ngayon ang taun-taong hamong kinakaharap ng kaniyang mga kababayang magsasaka kung saan wala na silang mapagbentahan ng sobra sobrang aning mga gulay.

Kaugnay nito ay hiniling naman ni Yap sa mga kasamahang mambabatas na dinggin at ipasa na ang ilan sa mga inihain niyang panukala na makakatugon sa naturang problema.


Pangunahing tinukoy ni Yap ang inihain niyang House Bill 316 na nag-aatas sa government institutions tulad ng mga kulungan, ospital at food service establishments direktang bilhin ang ani ng mga magsasaka para sa kanilang ihahandang pagkain.

Binanggit din ni Yap ang House Bill 3382 na nag-oobiga naman sa mga Local Government Unit (LGU) na bilhin ang ani ng mga lokal na magsasaka para sa kanilang mga feeding program at relief operation.

Facebook Comments