Iginiit ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na salig sa probisyon ng Bayanihan 1 ang pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa “readily available” na face shields at face masks.
Sa nagpapatuloy na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, natanong ni Marcoleta si dating Department of Budget and Management (DBM) Usec. Lloyd Lao kung alin sa dalawang supplier ang pipiliin, ang supplier A na piso ang presyo ng surgical mask pero wala ang produkto o supplier B na P100 per unit ang presyo at nakahanda na ang produkto.
Tugon ni Lao, kung pagbabasehan ang “judgement call” ay pipiliin niyang bilihin ang item na available na agad.
Dahil sa kakulangan ng supply ng mga panahon na bago pa ang pandemya ay masasabing ligal ang ginawang desisyon ng PS-DBM na “emergency procurement” ng face masks at face shields salig na rin sa Bayanihan 1 kaya hindi rin matibay ang argumento na may iregularidad ngang nangyari.
Sinuportahan ito ni dating PS-DBM Director Warren Liong na pinakamahalaga sa nangyaring “emergency procurement” ay ang agad na mabili at ma-i-deliver ang mga goods upang may magamit lalo’t limitado rin ang supply ng face masks noon.
Sa power point presentation ni Liong, nakasaad pa sa Bayanihan 1 ang ilang exemptions sa procurement kung sakaling kakailanganin.
Kabilang sa exemption ang eligibility component tulad ng pagsusumite ng Mayor’s Permit, Income Tax Return (ITR) at kahit ang verbal agreement ay maaaring maging sapat na basehan para ma-i-award ang isang kontrata.
Aabot sa P1.82 billion ang binili ng PS-DBM na face masks na P27.72 bawat isa at face shields na P120 bawat isa na unang idinepensa na “cheapest price” pa nga sa pag-uumpisa pa lang ng pandemya.