Pagbili ng sobrang daming bivalent COVID-19 vaccines, hindi kailangan

Pinayuhan ni House Committee on Health Vice Chairperson at BHW Party-list Representative Angelica Natasha Co ang Department of Health (DOH) na huwag bumili at mag-imbak ng sobrang daming bivalent COVID-19 vaccines para sa inaasahang pagkasa ng second booster shot sa general population.

Para kay Co, naging sapat na ang 179 million doses ng COVID vaccine doses na ibinigay sa karamihan ng mga Pilipino para magbigay proteksyon laban sa iba’t ibang variants ng virus.

Sabi ni Co, patunay nito ang mababang bilang na lamang ng dinadapuan ng COVID-19 sa mga nagdaang buwan.


Bunsod nito ay naniniwala si Co na sapat na kung bibili ang gobyerno ng 30-40 million doses lamang ng bivalent vaccines kung saan prayoridad na tuturukan ang vulnerable sector.

Pangunahing binanggit ni Co ang healthcare frontliners, immunocompromised, senior citizens at mga may kapansanan gayundin ang mga working adult at college o high school students na nakatanggap na ng isa o dalawang booster pati ang mga kabataan na may primary dosage at inbound at outbound travelers.

Iminungkahi rin ni Co na gawing optional ang pagbabakuna gamit ang bivalent vaccine.

Facebook Comments