Naghain si Senator Sherwin Gatchalian ng resolusyon para siyasatin ng Senado ang pagbili ng textbooks at iba pang learning materials ng Department of Education (DepEd).
Ang pagpapaimbestiga ng senador ay kaugnay na rin sa naging findings ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa year one report nito na kung saan mula nang pasimulan ang K-12 curriculum noong 2013 ay nasa 27 textbook titles lang ang nabili ng DepEd mula sa dapat na 90 na nire-require para sa Grade 1 hanggang 10.
Tinukoy ang ilan sa mga naging isyu sa procurement ng mga textbook kabilang ang kakulangan sa oras, mahabang review process at mataas na participation costs at pricing issues.
Napuna rin sa report ng EDCOM ang mababang utilization rate sa budget na inilaan para sa pagbili ng mga textbooks at iba pang instructional materials.
Sa Senate Resolution 972 ay pinaiimbestigahan ni Gatchalian ang problemang ito at iginiit na mahalagang mapag-aralan ang isyu dahil malaking bahagi aniya ng pagpapaangat sa kalidad ng edukasyon ang pagkakaroon ng sapat na aklat sa mga mag-aaral.