Hinikayat ni House Committee on Strategic Intelligence Chairman at Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel ang Department of National Defense (DND) na paagahin ang pagbili ng barkong pandigma ng bansa.
Ang rekomendasyon ng kongresista ay kasunod na rin ng pagdagsa ng mga barko ng China sa Julian Felipe reef na sakop ng West Philippine Sea.
Ayon kay Pimentel, mainam kung paaagahin ng DND ng tatlong taon ang acquisition o pagbili ng 16 na barkong pandigma.
Sa halip aniya na sa 2028, dapat na mabili na ng DND ang mga bagong combat ships bago sumapit ang 2025.
Sinabi ni Pimentel na ang 16 na warships ay naka-linya na para sa procurement, bukod pa sa BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna, na na nagagamit na ng Philippine Navy.
Sa panig naman ng Kongreso ay nakahanda na maglaan ng pondo para rito mula 2022 hanggang 2025 kasabay na rin sa modernization program ng hukbong sandatahan.
Giit pa ng mambabatas, pinaka-malaking banta sa karapatan sa soberenya ng bansa ay ang “strategic waters” kaya marapat lamang na gawing-prayoridad ang pagpapalakas ng ating naval fleet.