Pinapa-imbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang pagpayag ng gobyerno na mapunta sa Udenna Corporation na pag-aari ni Dennis Uy ang kontrol sa Malampaya Project at iba pang strategic fossil energy assets ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Sa Senate Resolution No. 950 na inihain ni Hontiveros, ang Senate Blue Ribbon Committee ang hinihiling nito na mag-imbestiga sa kontrobersya.
Layunin ng pagdinig na madetermina ang epekto nito sa seguridad at interes pang-ekonomiya ng bansa.
Iginiit ni Hontiveros sa resolusyon na hindi ginamit ng Department of Energy (DOE) at Philippine National Oil Company ang right of refusal o karapatan na maunang bumili aa Malampaya asset.
Dahil dito ay sa kompanya ni Davao-based businessman Dennis Uy mapupunta ang sana ay inaasahang kita ng pamahalaan sa loob ng apat na taon na 275 million US dollar.
Kinastigo rin ni Hontiveros ang rekomendasyon ng DOE na ibigay sa Udenna Corporation ang dalawang service contracts sa Recto Bank na isang underwater formation na kinaroroonan ng malaking bahagi ng oil ay natural gas sa WPS.
Diin ni Hontiveros, walang background sa energy exploration ang Udenna kaya posibleng mapatalsik ito ng mga dayuhang gagalugad sa Malampaya at Recto Bank.