Pagbisita ng Defense Chief ng Estados Unidos sa China, may mabuting maidudulot sa isyu sa West Philippine Sea

Naniniwala ang Department of National Defense (DND) na ang planong pagbisita ni United States Defense Secretary Mark Esper sa China ay makakatulong na mapahupa ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kakausapin ni Esper ang kanyang counterpart sa China para talakayin ang mga isyu sa pinag-aagawang teritoryo.

Suportado ni Lorenzana ang pag-uusap dahil makakabuti ito para sa Pilipinas.


Pero iginiit din niya na ang pagpapadala ng barkong pandigma ng Amerika sa South China Sea ay makakabuti dahil napapanatili nito ang kapayapaan pero posibleng makasama rin dahil maaaring magpalala lamang ito ng tensyon sa rehiyon.

Nakatakdang bisitahin ni Esper ang Beijing sa katapusan ng taon para mapabuti ang crisis communication channels at resolbahin ang iba pang usapin.

Bago ito, inihayag ng US ang kanilang pagsuporta sa mga bansang naniniwalang nilabag ng China ang maritime claims sa South China Sea.

Nabatid na matagal nang tinututulan ng US ang malawakang pag-angkin ng China sa rehiyon, kaya nagpapadala sila ng mga barko para isulong ang kalayaan sa paglalayag.

Facebook Comments