Pinuri ng mga kongresista ang pagdating sa Pilipinas ng kauna-unahang high-level United States trade and investment mission na resulta ng patuloy na pagsisikap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mapalakas ang pamumuhunan sa bansa.
Binigyang-diin ni Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez na mahalaga ang foreign direct investments sa Pilipinas upang dumami ang mapapasukang trabaho, mapalakas ang ekonomiya ng bansa at matugunan ang nangyayari sa West Philippine Sea (WPS).
Para naman kay 1-RIDER Partylist Rep. Rodge Gutierrez, ito ay patunay ng magandang resulta ng ginagawang pagbisita ni Pangulong Marcos sa abroad para sa maisulong ang interes ng bansa.
Tiwala naman si Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan na malaki ang positibong epekto nito sa pagdami ng pamumuhunan at pinuri din nito ang puspusang pagtatrabaho ni Pangulong Marcos para maisulong ang interes ng bansa sa ibayong dagat.
Ikinalugod din ng mga kongresista na ang pagbisita ng isang trade mission ay nataon sa pagtalakay ng economic charter change na nagpapakita kung gaano ka-seryoso ang Marcos Jr., administration na lalo pang makahikayat ng foreign investments.