Tiwala si Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez na ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Estados Unidos ay may positibong epekto sa kapakanan ng mga Pilipino lalo na sa aspeto ng trabaho, kalakalan, at seguridad.

Para kay Romualdez, mahalaga rin na ginawa ang pagbisita ni PBBM sa kritikal na panahon kung kailan ipatutupad na sa Agosto 1 ng Estados Unidos ang mas mataas na buwis sa ilang pangunahing ini-export ng Pilipinas doon na maaaring makaapekto sa trabaho at mga industriya sa bansa.

Bunsod nito ay tiniyak ni Romualdez na anuman ang maisi-selyong tariff relief o patas na trade deal ni PBBM sa amerika ay tatapatan nila sa Kamara ng mga panukalang batas na makakatulong sa ating mga magsasaka, manggagawa, at negosyante.

Kumpyansa rin si Romualdez na makahihikayat si President Marcos ng mas maraming pamumuhunan lalo na sa sektor ng enerhiya, manufacturing at digital infrastructure.

Binanggit naman ni Romualdez na ang economic diplomacy na isinusulong ni Pangulong Marcos ay mainam na tumbasan ng mas matatag na ugnayang pangdepensa lalo na sa harap ng patuloy na panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea.

Facebook Comments