Pagbisita ni PRRD sa Isabela, Inaasahan Ngayong Hapon!

CAUAYAN CITY, ISABELA- Inaasahan ngayong hapon ang pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte upang bisitahin ang mga nasalanta ng Bagyong Rosita dito sa Lalawigan ng Isabela.

Layunin ng Pangulo na dalawin ang lahat ng mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Rosita upang magbigay ng ayuda lalo na sa mga naapektuhan sa naturang bagyo.

Inaasahan rin sa pagdalaw ng Pangulo na makipagpulong ito sa pamunuan ng PDRRMC ng Isabela at Mt. Province maging ang mga Gobernador nito upang talakayin ang mga bagay-bagay na naging epekto ng bagyong Rosita.


Sa panayam ng RMN Cauayan kay Isabela Governor Faustino Bojie Dy III, kanyang inihayag na wala pa umanong naitatalang casualties dito sa Lalawigan ng Isabela.

Kanya ring inihayag na sa Imprastraktura ang pinakamalaking napinsala ng bagyong Rosita kumpara sa nagdaang bagyong Ompong na Agrikultura ang malaking tinamaan nito.

Kaugnay nito ay hinihintay na lamang umano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang ayuda mula sa ating Pamahalaan upang makapagbigay na rin ng dagdag tulong para sa lahat ng mga nasalanta ng Bagyong ROsita dito sa Lalawigan ng Isabela.

Facebook Comments