Para kay Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, ang pagbisita sa bansa ni United States Vice President Kamala Harris ay nagpapakita sa China ng suporta sa atin ng Estados Unidos kaugnay sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Diin ni Rodriguez, malaking tulong sa Pilipinas ang suporta ng Amerika sa ating sovereign rights sa West Philippine Sea sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) bilang pagtalima din sa International Arbitral Award na nakamit natin noong July 2016.
Tinukoy rin ni Rodriguez, na isang mataas na opisyal ng US ang nagpahayag na ang pagbisita ni Harris ay nagpapakita ng pagpanig sa atin ng administrasyon ni US President Joe Biden sa pagsusulong ng international maritime order sa South China Sea.
Sabi ni Rodriguez, kasama rin dito ang suporta ng Amerika sa maritime livelihoods at paglaban sa illegal, unregulated at unreported na pangingisda.
Binanggit ni Rodriguez na bago si Harris, ay dumating din sa bansa noong Agosto si US State Secretary Anthony Blinken na nangakong gagana ang 1951 Mutual Defense Treaty sa pagitan ng US at Pilipinas sa oras na may umatake sa ating barko o eroplano sa bahagi ng South China Sea.
Ayon kay Rodriguez, binigyang diin pa ni Blinken na hindi mapapalitan ang Pilipinas bilang kaibigan at kaalyado ng Amerika.